(Eagle News) — Binalaan ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA) ang mga nagbabalak magtrabaho sa China laban sa bagong modus na tinatawag na marriage-for-job.
Kasunod ito ng ulat mula sa Department of Foreign Affairs (DFA) hinggil sa limang Filipina na stranded sa Tongxu, China at humingi ng tulong sa pamahalaan matapos lokohin at pangakuan ng trabaho kapalit ng kasal sa mga Chinese national.
Ayon sa POEA, mula Urbiztondo, Pangasinan ang nasabing mga Filipina na ni-recruit ng dalawang Chinese national na nagpakilalang sina Song Gang at Li Chunrong Alyas Steven Lee.
Isa sa mga Filipina ang ikinasal sa Chinese na kinilalang si Wei Qi Lai kung saan nangako pa itong magbibigay ng 140,000 dowry sa pamilya ng Filipina pero nabigong ibigay ito ng buo.
Nang bumiyahe na patungong China ang mga nasabing Pilipina kasama ang iba pang ni-recruit, hindi pinayagan ang mga ito ng kanilang napangasawa na makapaghanap ng trabaho sa China at hindi rin nabibigyan ng suportang pinansyal.
Isang Filipina din umano ang napaulat na binubugbog at inaabuso ng kanyang napangasawa.