(Eagle News)– Nagbabala ang Bureau of Animal Industry (BAI) sa publiko ukol sa mga kumakalat na balita sa mga social networking sites at text messages na may kumakalat ngayong swine flu sa bansa.
Ayon sa mga kumakalat na chain messages, ipinagbabawal umano ang pagkain ng karne ng baboy dahil sa dala nitong sakit at tinadtad pa raw ang mga ito ng antibiotics.
Mayroon rin daw 40 na baboy ang namamatay kada araw dahil sa influenza.
Ngunit, ito ay pinabulaanan ng ahensya.
Sa pahayag na inilabas ng BAI ngayong araw, iginiit nilang ang mga ganitong uri ng balita ay pawang mga fake news lamang.
“Ang mga opisyal at sangay ng BAI ay hindi naglalabas ng ganitong report sa social media,” pahayag ng BAI.
Sinabi rin ng ahensya na ang “Department of Agriculture o DA ay may mga ahensya, laboratory at pakikipagtulungan sa mga nag-aalagang baboy upang mapanatili ang sapat at ligtas na suplay ng karne.”
Samantala, pinag-iingat naman ng BAI ang publiko sa mga balitang kumakalat sa internet at text messages dahil sa panahon ngayon ay laganap na ang fake news.
Kasabay nito, nanawagan rin ang ahensya na “patuloy na suportahan ang industriya ng paghahayupan sa pamamagitan ng pagtangkilik sa mga local na produkto.” Jodi Bustos