(Eagle News) — Dalawang taon mula nang maupo sa pwesto ang administrasyong Duterte noong Hulyo 2016, umabot na sa mahigit walong libong pulis ang sinampahan ng kasong administratibo.
Mahigit 1800 sa kanila ang nasibak na sa serbisyo.
Kasama sa mga sinibak sa serbisyo ang 261 na uniformed at non-uniformed personnel na nagpositibo sa paggamit ng iligal na droga habang 29 ang nasuspinde at siyam ang demoted dahil sa pagkakasangkot sa drug activity.
Sa mahigit 8,000, mahigit 3,000–o 3,589—naman ang pinatawan ng suspension, 362 ang demoted, 403 ang nareprimand, 147 ang naparusahan ng salary forfeiture at 29 ang restricted to quarters.
Ayon sa PNP, patunay raw ito na seryoso sila sa paglilinis sa kanilang hanay.
Sunod-sunod ang pagkaka-aresto sa mga tiwaling pulis na sangkot sa extortion nitong mga nakaraang araw.
Sa Taguig City, arestado ang tatlong pulis habang napatay ang isa nilang kasamahan matapos manlaban sa entrapment operation noong Martes.
Nito namang Miyerkules, Agosto 2, tatlong pulis at isang sibilyan naman ang naaresto ng Philippine National Police Counter Intelligence Task Force sa Valenzuela City dahil sa pangongotong sa mga junkshop sa lungsod. Mar Gabriel