PUERTO PRINCESA CITY, Palawan (Eagle News) – Pinaghahandaan ngayon ng pamunuan ng Puerto Princesa City Jail ang isasagawang “Himig ng Kabilang Panig,” kung saan ipakikilala ang mga piyanistang inmate na produkto ng kanilang music at piano lesson.
Sa ilang buwan ng pagsasailalim sa puspusang pagsasanay at dedikasyon upang matuto, mula sa pagbasa ng nota hanggang sa pagkapa ng tiklado sa piano, handa nang magpakitang-gilas ang ipinagmamalaki ngayon ng Puerto Princesa City Jail na mga ” Piyanistang Bilanggo.”
Si Adriano Uy o Ka Adin ang nagturo sa mga inmate sa ilalim ng programa, na naglalyong mabigyan ng kasiyahan ang inmates sa nasabing piitan.
Ayon kay Jail Chief Insp. Lino Soriano, ang piyanistang bilanggo na programa ng Puerto Princesa City Jail ay kauna-unahan sa buong mundo kung saan nakalikha sila ng mga detenido na manunugtog habang nasa loob ng piitan.
Dagdag pa niya, nakatakda ding magsagawa ng benefit concert sa loob ng bilangguan upang makalikom ng pondo na gagamitin upang makabili ng sariling piano sa loob ng piitan. Anne Ramos, Abraham Amatos at Alpha Grace Torrecer