Pangulong Duterte, may iniindang sakit mula sa spinal injury

(Eagle News) —  Dumaranas umano si Pangulong Rodrigo Duterte ng matinding sakit dahil sa kanyang ini- indang spinal injury na resulta umano ng isang motorcycle accident ilang taon na ang nakakalipas.

Inamin ito ng Pangulo sa kanyang talumpati sa Cebu City.

Ayon sa Pangulo, ayaw ng kanyang common law wife na si Honeylet Avanceña na sumailalim pa ito sa operasyon sa kanyang spinal injury dahil sa pangambang magkaroon ito ng kumplikasyon.

Una nang inako ng Pangulo na may iniinda syang sakit kaya madalas niyang hawakan o pisilin ang ilalim ng kanyang tenga para maibsan ang sakit, at maging ang kanyang pag- inom ng Fentanyl, isang gamot para sa mga nakakaranas ng sobrang sakit.

Matatandaang inihayag ni Communist Party of the Philippines Founding Chairman Jose Maria Sison na  comatose ang Pangulo.

Pero giit ng Pangulo maayos pa sa kabuuan ang kanyang kalusugan.

Ayon pa sa Pangulo, bukas itong lumipad patungong Europe at kumprontahin si Sison.

Kasalukuyang nasa Netherlands si Sison at nasa ilalim ng asylum bilang political refugee simula pa noong 1987.