Ni Mar Gabriel
Eagle News Service
(Eagle News) — Aminado ang Philippine National Police (PNP) na nalusutan sila matapos ang nangyaring pagsabog sa Insulan, Sultan Kudarat Martes ng gabi, Agosto 28, kung saan dalawa katao ang nasawi at 36 iba pa sugatan.
Ayon kay PNP Chief Oscar Albayalde, bago ang pagsabog ay may natanggap na intelligence report ang security forces sa lugar kaya inalerto nila ang kanilang mga tauhan.
Giit ni Albayalde, sadyang desidido ang mga suspek kaya gumawa ang mga ito ng paraan upang maisakatuparan ang kanilang plano.
Dahil dito, inatasan na raw ni Albayalde ang kanilang mga regional director sa Mindanao na ilagay sa full alert status ang kanilang buong pwersa at paigtingin ang intelligence gathering at target hardening.
Samantala, dalawang anggulo naman ang sinisilip ng mga awtoridad sa nangyaring pagsabog.
Isa na rito ang posibilidad na terror attack lalo’t kasalukuyan daw na maraming tao sa lugar dahil sa selebrasyon ng anibersaryo ng bayan ng Insulan.
Sinisilip din ang anggulo ng politika base na rin sa hinala ng alkalde sa lugar dahil nalalapit na naman ang eleksyon.
Patuloy namang inaalam ng PNP kung anong grupo ang responsable sa pagpapasabog kahit pa una nang itinuro ng militar ang BIFF na umano’y nasa likod ng pag-atake.