(Eagle News) — Kinontra ng malakanyang ang ipinalulutang ng grupo ng oposisyon na nakasentro ang administrasyon sa panggigipit kay Senador Antonio Trillanes IV para pagtakpan ang kabiguan ni Pangulong Rodrigo Duterte na solusyon ang problema sa mataas na bilihin.
Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque apat na presidential issuance ang nilagdaan ng Pangulo para mapabilis ang pagpasok sa bansa ng mga inaangkat na imported agricultural foods products kasama dito ang pag-aalis ng mga taripa.
Ayon kay Roque, hindi ipinagwawalang-bahala ng administrasyon ang problema sa pagtaas ng mga bilihin.
Inihayag pa ni Roque na sa pamamagitan ng mga presidential issuances ng Pangulo dadami ang supply ng pagkain na magbibigay-daan upang bumababa ang presyo ng bilihin alinsunod sa prinsipyo ng law of supply and demand.
Iginiit ni Roque na wala nang ginawa ang oposisyon kundi siraan ang administrasyon sa taong bayan.
“Sino ang nagsabing hindi hinaharap ang problema ng pagtaas ng bilihin? Apat na mga executive issuances na nagnanais mapabilis iyong pagdating sa merkado ng mga inaangkat na mga bagay-bagay, lalo na iyong pagkain.”
“Ang inflation na dahil sa pagtaas ng langis, hindi po natin mako-kontrol iyang pagtaas ng langis, pero iniibsan po natin iyan sa pamamagitan ng lahat po ng puwedeng gawin para mapababa ang bilihin lalung-lalo na iyong pagkain,”pahayag ni Roque.
https://youtu.be/0UW5nSo9flo