Military operations vs NPA sa Agusan del Sur, patuloy

(Eagle News) — Patuloy ang operasyon ng militar sa Agusan del Sur para tugisin ang mga miyembro New People’s Army na lumusob at umaresto sa mga sundalo at Citizen Armed Force Geographical Unit (CAFGU) sa kanilang detachment Brgy. New Tubigon, Sibagat, Agusan Del Sur.

Dalawang sundalo at labing dalawang CAFGU ang hostage ngayon ng NPA habang tinangay din ang kanilang mga armas.

Nasa kalagitnaan daw pagtulog ang mga sundalo kaya agad silang napasuko at wala nang nangyaring bakbakan.

“Siguro nagrelax siguro yung detachment, dalawa kasi yung sundalo na Cadre Plus 12 na CAFGU so 14 ano, fully armed naman yan, normally we expect the patrol to be properly constructed na hindi sya maoverran,” Defense Secretary Delfin Lorenzana.

AFP inaalam kung totoong may kaanak na NPA member ang isang CAFGU member

Tinitingnan din ng militar ang angulo na isa sa mga CAFGU ang may kamag-anak na NPA kaya madaling napasok ng mga rebelde ang lugar nang hindi nila alam.

“May kamag-anak na NPA. siguro yun ang ginamit nilang conduit para makapasok ng hindi sila pagsuspetsahan but at the any rate, we are still investigating kung ano talaga nangyari kasi nga hostage sila lahat e, ibig sabihin walang firefight, walang labanan so mukhang nabigla sila,” ayon kay Lorenzana.

CPP-NPA binati ang ginawang opensiba ng rebeldeng NPA

Sa isang pahayag, binati naman ng Communist Party of the Philippines ang NPA sa matagumpay umanong opensiba laban sa martial law na ipinatutupad sa Mindanao.

Gayunman, nakahanda naman daw sila na palayain ang mga bihag na sundalo kung ititigil ng militar ang kanilang mga operasyon sa lugar.

Pero giit ni Lorenzana, hindi sila bibigay sa hiling ng mga rebelde.

“We will not stop, I think the soldiers and the CAFGU know that we are at war with these people, kung mahostage sila then that’s part of job of these people,” pahayag ng opisyal.

Problema sa insurgency kayang tapusin – DND

Samantala, kumpyansa pa rin ang DND na kaya nilang tapusin ang problema sa insurgency partikular na sa NPA bago matapos ang termino ni Pangulong Rodrigo Duterte. (Eagle News Service Mar Gabriel)