(Eagle News) — Isa ang bayan ng Oslob sa lalawigan ng Cebu ang dinarayo ngayon ng mga bakasyonista kahit hindi pa summer.
Ang dahilan ay ang maganda nitong tanawin at ang inaabangang whale shark watching.
Dito, pwede mong makita nang malapitan ang mga butanding at lumangoy kasama ng mga ito.
At sa dami ng mga gustong makakita ng butanding, alas-singko pa lamang ng umaga (5:00 AM) ay marami nang pumipila sa beach para magkaroon ng kakaibang experience kasama ang mga butanding.
Ang pag langoy kasama ang mga butanding ay nagkakahalaga ng Php 1,000.00 para sa mga dayuhang turista at Php 500.00 naman para sa local tourist.
Sa pagiikot naman namin sa lugar ay aming nakapanayam ang tour guide na si Marlito Asula.
At ikinwento niya kung bakit tinawag na Oslob, Cebu ang dinarayo ngayong whale shark watching area.
” Ang salitang Oslob, ay hinango umano sa salitang Toslob o ang pagsawsaw ng anumang pagkain sa suka o anumang sawsawan.”
May paalala naman sa mga gustong lumangoy kasama ang mga butanding.
Bukod sa pagpila nang maaga, bawal gumamit ng sun block o lotion sa katawan kung lalangoy kasama ang mga whale shark dahil maapektuhan ang kanilang kalusugan.
Bukod dito ay hindi rin pinapayagan ang whale shark watching kung malakas ang alon ng dagat.
Samantala, bukod aniya sa Oslob, ay meron pa aniya silang isla na kung tawagin ay Sumilon Island na isa na rin sa dinarayo ng mga bakasyonista at turista. Ito ay isang white beach at may napakalinis na tubig.
Ang presyo naman ng bangka na patungo sa isla ay Php 1,500.00 para sa isa hanggang limang katao. Php 2,000.00 naman para sa anim hanggang sampung katao.
Eagle News Cebu Bureau Mica Alejandro