Dekalidad na fuel products, tiyak na sa ilalim ng fuel marking program – DOF

(Eagle News) — Makatitiyak na ang publiko na de-kalidad ang mga binibiling fuel sa ilalim ng fuel marking program ng gobyerno.

Ito ang isa sa mandatong nakasaad sa Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) law kung saan required na lagyan ng fuel marking ang lahat ng refined, manufactured o mga imported petroleum products sa bansa.

Kabilang sa mga ito ang gasolina, denatured alcohol na ginagamit sa motive power, kerosene at diesel.

Ayon kay Finance Asst. Secretary Tony Lambino, dahil dumaan sa quality inspection ang mga fuel products, makasisiguro na hindi smuggled at hindi low-quality fuel ang mabibili na maaaring makasira ng sasakyan.

Paliwanag pa ni Lambino, isa rin sa benepisyo ng nasabing programa ay hindi maitim ang usok o emission na lalabas sa sasakyan.

Sa Marso nakatakdang simulan ang implementasyon ng fuel marking program at ang mga testing machines ay ipapakalat sa buong Pilipinas.

Mag-iikot rin ang Bureau of Internal Revenue at Bureau of Customs kasama ng service provider na mula sa France upang i-check kung mayroong marker ang mga fuel product.

Ang buwis naman na ibabayad ng mga gasolinahan para sa programang ito ay ilalaan para sa infrastructure, healthcare at education programs ng pamahalaan.