Sesentro ang closed door hearing ng Kamara sa Mamasapano incident sa naantalang artillery fire support ng militar sa police commandos na namatay sa bakbakan sa Mamasapano.
Sinabi ni Partylist Rep. Samuel Pagdilao na itatanong niya at ng ilan niyang kasamahan sa mga opisyal ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang ukol sa pagtugon sa kahilingan ng mga Special Action Force (SAF) commandos para sa artillery fire cover.
Ayon kay Pagdilao, hihingin nila ang malinaw na sagot, hindi para sisihin ang sinuman, kundi para hindi na maulit ang kahalintulad na insidente sa hinaharap.
Sinabi pa ng mambabatas na matagumpay ang January 25 operation ng Philippine National Police-Special Action Force (PNP-SAF) sa Mamapasano, bagamat malaki ang naging pinsala nito sa bahagi ng SAF na namatayan ng 44 na tauhan.