Pumasok ang lalawigan ng Aurora sa Top 15 Rice Achiever sa Pilipinas sa kadahilanang isa ito sa mga lalawigan na may pinakamataas na ani ng palay sa buong bansa. Ayon sa Philippine Statistics Authority , tumaas ng 8% ang yield increment ng lalawigan. (Agila Probinsya)
By Eagle News team ng Aurora
ABRIL 24, 2015 (Eagle News) — Pasok ang lalawigan ng Aurora sa top 15 ng mga probinsyang may pinakamataas na ani ng palay sa bansa.
Batay sa tala ng Philippine Statistics Authority, tumaas ng walong porsyento ang yield increment ng Aurora pagdating sa palay.
Pumalo sa 4.4 metric tons per hectare ang ani sa lalawigan, mas mataas kumpara sa 3.9 national average yield.
Ayon kay provincial agriculturist Adriano Necesito, ilan sa mga dahilan ng naging pagtaas ng ani ng palay sa aurora ang maayos na panahon, pagkatuto ng mga magsasakang gumamit ng magandang klase ng binhi at magandang pangangalaga at pagsuporta ng agriculture technologists .
Malaki rin aniyang tulong ang malaking appropriations sa farm to market roads.
Dahil dito idinadaan ang farm inputs at produce ng mga magsasaka para madala sa pamilihan at isa rin itong paraan para madaling makarating sa mga lupang sinasaka.
Sinabi ni Necesito na ipambibili ang napanalunang cash prize ng post harvest facilities para sa lalong ikauunlad ng pagsasaka sa lalawigan.
Patuloy pa aniya ang isasagawang mga pagsasanay at ang pagbibigay ng suporta ng pamahalaan sa kampanyang pataasin ang ani ng palay bilang bahagi ng rice self sufficiency program.
Ito ang unang pagkakataon na nakapasok ang Aurora sa top 15 ng National Rice Achievers Award.
(Eagle News Service, Eagle New Team Aurora)
(Eagle Web Dev’t Group Jay Paul Carlos, Jericho Morales, MRFaith Bonalos)