Muli na namang nahaharap sa panibagong kaso sa Ombudsman si Bayambang Mayor Ricardo Camacho dahil umano sa kanyang mga iregularidad.
Si Mayor Camacho ay nahaharap ngayon sa panibagong kaso ng anti-graft and corruption practices act at paglabag sa Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees at Malversation of Public Funds sa Ombudsman.
Ayon sa mga nagreklamong miyembro ng sangguniang bayan ng Bayambang, hindi dumaan sa public bidding at walang transaction authority ang sangguniang bayan sa ginawang pagbili ng alkalde sa Toyota Granvia na may green plate na nagsisilbing pribadong sasakyan ng alkalde na nabili mula sa pondo ng Munisipyo.
Kabilang sa mga nagsampa ng reklamo sa Ombudsman laban kay Bayambang Mayor Camacho ay sina Vice Mayor Mylvin Junio, at mga municipal councilors na sina Raul Sabangan, Allan De Vera, Gerardo Flores, Joseph Vincent Ramos at Levin Uy.
Si Mayor Camacho ay sinampahan din ng kasong anti-graft and practices act ng negosyanteng si Cesar Quimbao dahil umano sa hindi pagdedeklara ng alkalde sa donasyon ni Quimbao na p4.6m noong brineak ang record sa 8 kilometer Longest Grill sa Guinness World Record sa Isinagawang Malangsi Festival noong nakaraang taon.
Sa COA report ni Camacho, pinalabas nito na gumastos ang munisipyo ng P1.8 M para sa mga grills sa longest grill.
Tumanggi namang magbigay ng kanyang pahayag si Camacho kaugnay sa kinakaharap nitong panibagong kaso sa Ombudsman.
(Agila Probinsya Correspondent Josie Martinez, Eagle News Service MRFaith Bonalos)