Hindi umano kumbinsido ang mga estudyante ng University of the Philippines-Los Baños (UPLB), sa public apology na ipinahayag ng ABS-CBN.
Sa pamamagitan ng social media, humingi ng paumanhin ang nasabing TV Network kaugnay sa kanilang maling pahayag ukol sa pagbisita ni Vice President Jejomar Binay sa unibersidad nitong nakaraang Martes, Setyembre 15.
Ayon kay UPLB Student Council Chairperson Ronald Gem Celestial, binibigyan nila ng mataas na pagkilala at respeto ang ABS-CBN News and Current Affairs ngunit dismayado sila sapagkat hindi lamang ito ang kauna-unahang pagkakataon na nagkaroon ng maling pahayag ang tv network patungkol sa nasabing unibersidad.
Una ng nagpahayag ang ABS-CBN ng tungkol sa mga rape case incident na nangyayari umano sa loob mismo ng UPLB Campus.
Na ayon nga kay Celestial ay hindi lahat ng rape incident ay nangyari sa loob ng campus kundi sa labas ng school premises.
Dagdag pa ni Celestial, hindi lahat ng tao ay naaabot o nakaaalam ng inilabas na public apology ng ABS-CBN sa social media kaya nanawagan ang mga estudyante ng UP Los Baños sa bumubuo ng ABS-CBN News and Current Affairs na gawin din nila ng kasing sigasig ang kanilang pahayag sa paglilinaw ng isyu na nakabababa ng moralidad at respeto sa mga estudyante ng UP Los Baños.
(Agila Probinsya Correspondent Judith Llamera, Ronaldo Duran)