Nagsampa ang Society of Communicators and Networkers International (SCAN INT’L) Sorsogon district ng kasong libel laban kay Lowell Menorca II dahil sa mga sinabi nito sa isang news program noong Oktubre 28, 2015 kung saan tinawag ni Menorca na private army at death squad ang nasabing grupo.
Matatandaang bago makulong sa Dasmariñas Cavite ay nagmula muna si Menorca sa lalawigan ng Sorsogon.
Sa pangunguna ng Sorsogon Chapter, SCAN President Gerardo Espadero humarap siya kay Fiscal Eric Reginaldo sa City Prosecution Office ng Sorsogon City upang sumpaan ang nakasulat na pahayag ukol sa mga reklamong isinampa niya laban kay Menorca.
Ayon kay Espadero, malisyoso ang mga bintang at paratang ni Menorca laban sa SCAN International dahil inilalagay niya ang mga miyembro nito sa kahihiyan at nagdudulot ng kawalan ng kredibilidad at pagkamuhi ng mga tao o pagdududa sa mga miyembro ng SCAN.
Ayon pa sa sinumpaang salaysay ni Espadero, nakaranas na din siya ngayon ng paglait at pagkapahiya mula sa mga nakakakilala sa kaniya hindi lang bilang miyembro kundi bilang pangulo pa ng SCAN sa lalawigan ng Sorsogon. Nasaktan din aniya ng mga paninira ni Menorca ang kaniyang asawa at mga anak.
Ang SCAN International ay isa sa mga kapisanan sa Iglesia Ni Cristo na mga radio enthusiast.
Tumutulong din ang mga miyembro para sa socio-civic activities gaya nang pag-rescue sa mga mamamayan sa panahon ng kalamidad.
(Agila Probinsya Correspondent Jun Canlas)