(Eagle News) — Sisimulan na ng Iglesia Ni Cristo ang pagtatayo ng gusaling sambahan sa lupang nabili nila sa Brgy. Hillside sa Baguio City.
Ito’y matapos pumayag ang mismong kampo ng mga naghahabol sa lupa sa pangunguna ni Danilo Blas na i-atras na ang kanilang kahilingan sa korte na mai-extend ang Temporary Restraining Order laban sa konstruksyon ng kapilya ng Iglesia.
Inamin rin ni Blas na totoo ngang may affidavit of quit claim na pinirmahan ang kanyang ina na si Ester Blas na nagpapawalang bisa sa karapatan nito sa lupa kapalit ng tatlong libong piso mula sa kanyang mga kapatid noong ito’y nabubuhay pa.
Ang detalye sa report ni Mar Gabriel:
Ito ang lupang nabili ng Iglesia Ni Cristo mula sa pamilya Tanghal sa no.68, purok singko sa Brgy.Hillside sa Baguio City.
Taong 2010 pa nang ibenta sa INC ni Ricardo Tanghal, anak ng dating may ari ng lupa na si Jorge Tanghal, ang lote na may sukat na 969 square meters.
Nitong nakaraang Biernes, sisimulan na sana ng INC ang pagpapatayo ng barangay chapel sa lugar, pero pinigilan ito ni Danilo Blas na naghahabol sa kanyang umano’y karapatan sa lupa.
Sa aming panayam kay Blas, iginiit nya na anak siya ni Ester Tanghal na isa sa mga anak ng dating may ari ng lupa, kaya naniniwala umano siyang may karapatan siya rito.
Pero inamin niya rin na lumagda nga sa isang “affidavit of quit claim” ang kanyang ina na nagpapawalang bisa sa karapatan nito sa lupa kapalit ng tatlong libong piso (P3,000) mula sa kanyang mga kapatid.
Maging ang mga pinsan ni Blas na nasa Estados Unidos, aminadong wala siyang karapatan sa lupa, taliwas sa istoryang inilabas ng isang TV station.
Sinabihan pa ni Myrna Tanghal, pinsan ni Blas, ang kanyang mga kamag-anak na nagpipilit na kunin ang lupang matagal nang ibinenta ng mga kaanak sa Iglesia .
Sa pagpapatuloy naman ng pagdinig ng Baguio City Municipal Trial Court sa “cancellation of land title” na isinampa ng pamilya Tanghal, iniatras na nila ang hiling na palawigin pa ang temporary restraining order laban sa konstruksyon ng INC.
Ibig sabihin nito’y maari nang simulan ng INC ang pagtatayo ng kapilya.
Ngunit limitado lang muna sa leveling at lay-outing ang trabaho hangang sa araw ng Biyernes habang hinihintay nila ang tugon ng pamunuan ng Iglesia Ni Cristo sa kanilang kahilingan.
Umapila naman si Atty. Isagani Calderon, abugado ng pamilya Tanghal, na kung maaaring mabigyan ng isang bahagi ng lote ang kanyang mga kliyente.
“Nung mag-umpisa po ang kasong ito, willing naman po na parang bigyan sana sila ng portion sa lupa. Inuulit po namin, baka puedeng mai-revive yun. Hindi para masabi kung sino ang tama o mali, kundi para magkaroon ng kaayusan o katugunan dito sa kaso,” sabi pa ni Calderon.
Napagkasunduan din ng magkabilang panig na limitahan lang muna sa pitong trabahador ang gagawa sa lugar at hanggang 5:30 ng hapon lang sila maaring magtrabaho.
Pumayag din sila na magtayo ng barracks ang mga trabahador, pero dapat daw ay i-supervise ng ministro ng INC ang gagawing pagtatrabaho ng mga ito.
Sinabi rin ni Calderon na payag na ang mga kliyente niya na magsimula na ang leveling at lay-outing sa lote, lalo na ng malaman daw ng mga ito na kapilya naman ang ipatatayo rito, at dahil nagbigay daw ng assurance sa kanila ang INC na di naman mapapa-alis ang kanyang mga kliyente.
Tiniyak naman ng abugado ng INC na si Atty. Chris Soriano na hindi maaapektuhan ng pagtatrabaho ang kasalukuyang tinutuluyan ng mga ito.
“Yung pagpasok ng ating construction team o yung pagpapatayo ng Iglesia Ni Cristo ng barangay chapel ay hindi naglalayong paalisin ang mga nakatira ngayon doon hangga’t hindi pa tapos ang main case, o yung principal action,”.
Sa Biernes, Enero 22, muling maghaharap sa korte ang dalawang kampo upang dinggin ang application for preliminary injuction na inihain ng pamilya Tanghal at ang “motion to dismiss” na inihain naman ng Iglesia Ni Cristo.
Kumpyansa ang INC na mababasura ang kaso dahil matibay umano ang mga hawak nilang ebidensya na magpapatunay na pag-aari nila ang naturang lupa. (Mar Gabriel, Eagle News Service)