Hepe ng Manila police station 5, pinanindigang walang nilabag na protocol sa pag-aresto kay Menorca

(Eagle News) — Pinanindigan ng hepe ng Manila Police District (MPD) Station 5 na si Police Supt. Albert Barot na walang nilabag sa protocol ang mga pulis na humuli kay Lowell Menorca.

Kung di man nakauniporme ang pulis ay kinakailangan lang magpakilala ito nang maayos tulad ng ginawa ng pulis na umaresto kay Menorca.

“Base din doon sa POP (police operation procedure) natin with regards to … di naman binabanggit na during the service of warrant ay kailangan talagang nakauniform. Ang binanggit doon na requirement ay yung peace officer natin ay mag-introduce ng sarili niya at the same time he must show proper identification,” paliwanag ni Police Supt Albert Barot MPD Station 5 Commander

Dagdag pa ng opisyal sakali mang station 10 ang humuli kay Menorca sa lugar ng kaniyang nasasakupan walang nalalabag na batas doon.

“Ang warrant of arrest kasi, anyone can serve.  Baka nakapunta sa kanila yung warrant, dahil namonitor na nasa area nila. Nung time of the implementation of the warrant of arrest, nangyari lang na nasa area siya ng station 5,” ayon pa kay Supt. Barot.

Sinabi naman ni Atty. Merebel Cristobal, bagong abugado ni Menorca, sinabi niyang di kwalipikado si Menorca sa witness protection program dahil siya ang akusado sa kasong libel.

Pag-aaralan naman umanong mabuti ng bagong legal counsel ni Menorca ang kaso nito upang makagawa ng susunod na legal na hakbang.

Taliwas sa pangamba ng kampo ni Menorca, maayos, malinis at well-ventilated ang naging selda kung saan siya ikinulong.

Ibinigay din ang pangangailangan nito gaya ng matress at bentilador.

Sinikap naman ni Menorca na ipaliwanag na hindi lahat ng miyembro ng SCAN ang tinutukoy niyang diumano’y “death squad” or “hit squad” ng INC.

“These are the SCAN people of whom I have so much respect.  Kagaya ng sinabi ko noon, I’m not talking about the whole organization.  kasi kahit naman anong organization, there would be one or two, a fraction na unfortunately ay nagagamit sa masama.  Yun lang ang point ko doon but it was taken out of context.  tapos yun ang ginawang springboard para mag-file ng numerous cases against me.

Noong Huebes ay may panibagong warrant of arrest na inihain kay Menorca kaugnay sa libel case na isinampa naman ng SCAN chapter sa Marawi City.