By Ely Dumaboc
Eagle News Service
ZAMBOANGA City, February 8, 2016 (Eagle News) — Todo bantay ngayon ang mga tauhan ng Philippine National Police (PNP) Zamboanga sa isang pribadong ospital dito sa lungsod kung saan ginagamot ang alkalde ng Bongao sa Lalawigan ng Tawi-Tawi na si Mayor Jasper Que na in-ambush Linggo ng umaga (Pebrero 7)
Tinambangan ang alkalde ng riding en tandem sa may San Jose road Barangay Baliwasan Zamboanga City .
Sa paunang imbestigasyon ng pulisya, kararating lang ng alkalde sa Zamboanga International Airport mula sa Tawi-Tawi, sinundo ng kaniyang security escort gamit ang isang Sportivo na may plaka numero ZGR-924.
Wala pang isang kilometro mula sa labasan ng paliparan, sinabayan ng isang riding en tandem saka pinagbabaril ng suspect gamit umano ang improvised fire-arm ang bahagi ng sasakyan kung saan nakaupo si Bongao Mayor Jasper Que saka tumakas ang mga suspect.
Nagtamo ng mga tama ng bala sa kanang balikat at sa tagiliran ang alkalde, subalit nasa ligtas na kalagayan na ito ngayon sa ospital
Wala pang idea ang PNP Zamboanga kung ano ang motibo ng suspect para barilin ang alkalde.
Subalit ayon sa impormasyong nakuha ng newsteam mula sa lalawigan ng Tawi-Tawi, walang naging kalaban sa pagka-alkalde si Jasper Que ngayong halalan 2016. Ngunit pinag-aagawan umano ng dalawang magkatunggali sa pagka- gobernador ang posisyong pagka-alkalde ng Bongao dahil ito ang sentro ng kalakalan sa buong lalawigan.