Korte Suprema, pinabulaanan ang alegasyon ng panunuhol

(Eagle News) — Mariing pinabulaanan ng Korte Suprema ang alegasyon ng panunuhol sa mga mahistrado kaugnay ng desisyong pabor sa pagtakbo ni Senator Grace Poe-Llamanzares sa 2016 presidential elections.

Sa 21st annual convention ng Philippine Women Judges Association, mismong si Chief Justice Ma. Lourdes Sereno ang nagsabing ispekulasyon lang ang lumabas na report sa pahayagan kaya hindi na aniya pa dapat pagtuunan ng pansin.

Sereno
Chief Justice Ma. Lourdes Sereno (Photo credited to the owner)

“Some matters are best disregarded and ignored. Some matters are just speculations,” pahayag ni Chief Justice Sereno.

Kaugnay nito, hinamon naman ni Associate Justice Teresita de Castro ang naglathala ng naturang report na maglabas ng ebidensya na magpapatunay sa nabanggit na alegasyon.

“I feel so bad about it unless the one who published that will give hard evidence. And if he cannot, then he’s doing a disservice to the judiciary. He’s putting down the judiciary without good reason… That is unfair to the court if you publish something and then you do not substantiate it,” saad ni Associate  Justice de Castro.

Associate Justice Teresita de Castro
Associate Justice Teresita de Castro (Photo credited to the owner)

Samantala, hati naman umano sa isyu ng citizenship at residency ang siyam na mahistrado ng Korte Suprema na bumoto pabor sa pagkandidato ni Senadora Poe.

Ayon na rin kay Associate Justice de Castro, isa sa anim na mga mahistradong kumontra sa kandidatura ni Poe, hindi magkakapareho ang pananaw ng siyam na pumabor kay Poe sa usapin ng citizenship at residency kaya dapat ding aniyang kilatisin ang kani-kanilang opinyon sa kaso.

Habang ayon naman kay Chief Justice Sereno, hintayin na lang aniya ang full ruling sa kaso na isasapubliko ng SC  para maiwasan ang mga ispekulasyon.