Dahil sa unti-unting pag-init at pag-alinsangan ng panahon, nagpa-alala ang Department of Health o DOH sa publiko na maging mapagmasid sa ating pangangatawan para maiwasan ang pag-atake ng heat stroke.
Ayon sa DOH, ang banta ng heat stroke ay isang medical emergency kung saan tumataas ang insidente sa panahon na mainit at maalinsangang panahon.
Ang heat stroke ay ang pinakamalalang heat illness kapag ang katawan ay nag-overheat at hindi magawang bumalik sa normal ang temperatura.
Hindi umano magawa ng katawan na ilabas ang sobrang init na temperatura sa pamamagitan ng pagpapawis dahil sa dehydration o maalinsangang kapaligiran.
Kaya para maiwasan ang heatstroke, ang tao ay dapat uminom ng maraming tubig at iwasan ang mahabang exposure sa sikat ng araw.
Para mapamalagi ang malamig na pakiramdam, uminom lamang ng tubig sa halip na tsaa, kape , soda o alcoholic beverages.
Kung hindi naman maiiwasan ang exposure o aktibidad sa sikat ng araw ay dapat magsuot ng pananggalang ang tao tulad ng malapad na sombrero (hat) ,payong at gumamit ng maluwag at preskong kasuotan.
Ang pag-eehersisyo ay dapat isagawa sa pagsisimula o pagtatapos ng araw, kung kailan ang temperatura ay malamig na.
https://www.youtube.com/watch?v=r_P7rB_jYdw