By Aily Millo
Muling nanawagan sa gobyerno ang mga grupo ng magbababoy na tugunan ang talamak na smuggling sa karne ng baboy. Anila, malaking bilang na ng mga hog raiser ang nawalan ng ikabubuhay dahil sa smuggling.
Nagbabala rin ang mga ito na itutuloy ang nakatakdang Pig Holiday sakaling hindi pansinin ng gobyerno ang kanilang mga panawagan.
Sa loob ng anim na taon, nasa 800 hog raisers na sa bansa kasama ang kanilang mga pamilya ang nawalan ng ikabubuhay.
Ayon sa grupong Samahang Industriya ng Agrikultura o SINAG, ito ay resulta ng talamak na smuggling sa mga produktong pang-agrikultura gaya ng karne ng baboy.
Ang buong livestock industry anila ay ngayon lang nakaranas ng labis na pagkalugi dahil sa talamak na smuggling.
Batay sa report ng mga trading partners ng iba’t-ibang grupo ng hog raisers sa bansa, umabot sa 202 million kilos ng karneng baboy ang naipuslit sa bansa mula pa taong 2010. Katumbas naman ito ng siyam na bilyong pisong nawalang kita mula sa gobyerno.
Sabi ng SINAG, dapat na aniyang maaksyunan ito ng kasalukuyang administrasyon habang may ilang buwan pang nalalabi si Pangulong Aquino sa pwesto.
Nagpadala na rin anila sila ng sulat kay Pnoy at umaasang mapakikinggan ang kanilang mga panawagan.
Ilan sa mga nakasaad sa ipinadalang liham ng mga hog raiser kay Pangulong Aquino ay ang pagtiyak na naisasagawa ng maayos ang quarantine test at inspection sa mga kahon-kahong imported na karne ng baboy na pumapasok sa mga pantalan.
Kabilang anila ang mga nagdeklara ng mababang taripa.
Inirekomenda rin ng mga hog raiser ang pagkakaroon ng malinaw na batayan para sa accreditation ng mga importer.
At ang agarang paglagda ng pangulo sa naaprubahang panukalang batas na tumutukoy sa smuggling ng agricultural commodoties bilang economic sabotage.
Nagbabala naman ng Pig Holiday ang mga hog raiser sakaling balewalain ng gobyerno ang kanilang mga panawagan. Limang araw anilang Pig Holiday ang kanilang ikakasa.