Talisay, Camarines Norte – Nakatakdang ilunsad ng Highway Patrol Group – Camarines Norte (HPG) ang Oplan Summer Vacation (SUMVAC) 2016 sa darating na Sabado (Marso 19, 2016).
Ang isinagawang pagpupulong na pinangunahan ni HPG Provincial Officer PSI Ruel Salvino ay dinauluhan ng mga ahensya ng pamahalaan tulad ng Philippine National Police (PNP), Department of Public Works and Highways (DPWH), Bureau of Fire Protection (BFP), Philippine Red Cross (PRC), Land Transportation, Franchising and Regulatory Board (LTFRB), Land Transportation Office (LTO), at mga civic society groups.
Batay sa napag-usapan, magsasagawa ng motorcade bandang alas-6:30 ng umaga na magsisimula sa HPG Provincial Headquarters sa Brgy. Itomang sa bayan ng Talisay at iikot sa ilang mga bayan upang makapagbigay abiso sa publiko ng pormal na pagsisimula ng Oplan SUMVAC 2016.
Maglalagay din ng mga motorist assistance center sa mga strategic na lugar na mag-uumpisa sa Lunes Santo upang alalayan ang mga motoristang bumabiyahe kung sakaling magkaroon ng problema sa kalsada at iba pang aberya sa lansangan.
Samantala, kaugnay ng naturang aktibidad, inamin ng DPWH na salat sila sa mga kagamitan na tutugon sa pag-resonpde kung magkakaroon ng mga aberya sa kalsada.
Sinabi ni Assistant District Engineer Vic Corporal, sa kasalukuyan ay dalawa lamang ang kanilang truck na maaaring gamitin sa paghila ng mga sasakyang magkakaroon ng problema sa daan habang bumabyahe na tutugon sa dalawang distrito ng lalawigan.. Hindi umano nila matutugunan kung sakaling magkakasabay-sabay ang makakaranas ng aberya sa sasakyan.
Bukod dito may talagang pinagagamitan sila ng naturang mga truck sa kanilang pang araw-araw na aktibidad.
Hind rin umano nila matutugunan ang pangangailangan sa mga heavy equipment tulad ng lifter kung may mangyayaring hindi inaasahang pagkahulog ng sasakyan sa bangin. Tanging magagawa lamang umano ng kanilang tanggapan aay ang paghingi ng tulong mula sa mga local contractor lalo na kung ang pinagyarihan ng aksidente ay malapit sa lugar na mayroong patrabaho.
Bagama’t may ilang mga kakulangan, nakahanda pa rin ang DPWH na magkaloob ng ayuda sa mga motorista kasama ang iba pang ahensya ng pamahalaan sa pagbuhos ng mga motorista pauwi sa lalawigan ng Camarines Norte dahil sa papalapit na Semana Santa. (Eagle News, Edwin Datan Jr.)