(Eagle News) — Kinumpirma ng Bureau of Customs na tuloy na ang disposal para sa mahigit 170 containers na naglalaman ng mga frozen meat na nakatengga sa Manila International Container Port (MICP).
Ayon sa Auction and Cargo Disposal Division ng MICP, hinihintay na lang ang approval mula sa Philippine Ports Authority at International Container Terminal Services Inc., para i-urong ang pagbabayad ng wharfage at storage fees.
Magkakahiwalay na dumating sa bansa noong nakaraang taon ang mga shipment na naka-consign sa J-Core Enterprises, Lucky Sisters Trading at Lean Pasture.
Una nang nangamba ang ilang hog raisers group na maaaring makapuslit ang mga ito patungo sa lokal na merkado lalo’t karamihan sa mga imported na karne ang expired na.
Pero tiniyak na ng ahensya na hindi na makakalabas pa ng piyer ang mga nasabat na karne.
Samantala, iminungkahi ni dating Customs Commissioner Ruffy Biazon na mag-usap ang BOC at iba’t ibang hog raisers group upang makagawa ng hakbang para masugpo ang pork smuggling.
Dapat din aniyang bilisan ang pagpapatupad ng Customs Modernization Act upang malutas ang matagal nang problema sa smuggling.