Daet, Camarines Norte – Naglabas na ng pahayag ang pamunuan ng Camarines Norte Provincial Hospital (CNPH) kaugnay ng mga litrato ng mga sirang beddings na hinihigaan ng mga pasyente ng CNPH na kumalat sa social media nitong mga nakaraang linggo kung saan umani ito ng iba’t ibang reaksyon at pagpuna mula sa mga netizens.
Ayon kay Dra. Myrna Rojas, Provincial Health Officer, inamin nitong pinagagamit pa din ang mga luma at sira nang beddings sa kadahilanan ng dami ng pasyente na ina-accomodate at naco-confine sa panlalawigang pagamutan. Dagdag pa ni Rojas na may mga ni-request na silang mga bagong beddings, medical supplies, at mga electric fans sa Department of Health (DOH) nitong nakatalikodn na taong 2014.
May mga ilang dumating na ring beddings nitong nakaraang taong 2015 at ginagamit na rin ito ng mga pasyente subalit kulang pa rin ito dahil sa dami ng mga nangangailangan nito.
Dagdag pa ni Rojas, umaabot lamang sa 150 ang bed capacity ng CNPH subalit umaabot mahigit 200 o minsan pa ay 300 ang na-aadmit kung kaya’t napipilitang ipagamit ang mga lumang beddings para matugunan ang pangangailangan ng mga bilang na ito.
Kaugnay nito, muling nilinaw ni Rojas na papalitan din nila ang mga lumang beddings sapagkat hinihintay lang ng institusyon ang iba pang mga parating na bagong magagamit ng mga pasyente upang makapagpahinga ng mas maayos.
Isa rin sa ipinaliwanag ni Dra. Rojas na hindi nito binabalewala ang iba pang kailangang tugunan sa pisikal na kalagayan ng CNPH tulad ng mga palikuran at ventilations na nakatakda namang isaayos na ilan din sa mga inirereklamo ng mga pasyente dito. (Edwin Datan, Jr/Eagle News)