Pormal nang hiniling ng Commission on Elections sa Korte Suprema na baligtarin ang desisyong nagpapahintulot kay Senadora Grace Poe-Llamanzares na tumakbo sa pagka-pangulo sa May elections.
Sa mahigit 50 pahinang motion for reconsideration ng Comelec, nanawagan ito na pairalin ng Supreme Court ang section 2 ng rule 12 ng Internal Rules ng High Court na nagsasaad na walong boto ang majority vote sa isang desisyon ng may 15-mahistrado.
Iginiit ng Comelec na ang botohan sa citizenship issue laban kay Poe ay hindi majority vote dahil 7-5-3 ang resulta ng botohan. Nangangahulugan itong pito lang ang nagsabing natural born si Poe.
Dahil dito, hiniling ng Comelec na pagtibayin ang naunang desisyon sa en banc na nagdi-disqualify kay Poe upang tumakbo sa presidential elections 2016.