Pagbaba sa 10 taong sintensya kay Pemberton di gaanong ikinatuwa

OLONGAPO City, Philippines (Eagle News) — Hindi gaanong natuwa ang pamilya ni Jennifer Laude sa desisyon ng Olongapo City Regional Trial Court Branch 74 na ibaba sa 10 taon mula sa 12 taon ang sentensya laban kay US Marine Lance Corporal Joseph Scott Pemberton.

Sa kabila nito, sinabi ni Atty. Harry Roque, abogado ng pamilya Laude na pinaikli man ang jail sentence kay Pemberton, hindi na ito ubrang humingi ng parole.

Kasabay nito, sinabi ni Roque na ikinalugod naman ng pamilya ang ginawang pagbasura ng korte sa hiling ni pemberton na baligtarin ang hatol na guilty verdict sa kanya.

Pinagtibay aniya ng korte ang conviction kay Pemberton dahil napatunayang ito talaga ang pumatay kay Laude.