Eagle News – Binalaan ng Commission on Elections ang sinumang magpapakalat ng malisyosong impormasyon sa Internet at mga iresponsableng reklamo na layon lamang sirain ang kredebilidad ng eleksyon.
Kasunod ito ng mga naglabasang post sa social media ukol sa umano’y dayaan sa Overseas Absentee Voting gaya ng pagkakaroon raw ng pre-shaded ballot, naka-highlight na pangalan ng kandidato at hindi raw nabilang na boto.
Ayon kay Comelec Chairman Andres Bautista dapat ng panumpaan ng isang botante ang reklamo sa mismong presinto kung saan ito bumuto.
Maaring maharap sa election offense na may parusang isa hanggang anim na taong pagkakabilanggo kung sakaling mapatunayang hindi totoo ang reklamo ng isang botante.
Una nang sinabi ng komisyon na hindi opisyal na balota na may naka-highlight na pangalan ang kumakalat na larawan sa social media kundi isa lamang itong sample ballot na ibinibigay sa mga kampanya.
Hindi rin totoo ang napaulat na hindi nabilang ang boto dahil sa hindi pa nagsisimula ang bilangan sa O.A.V at sa May 9 pa Ita-transmit ang resulta ng botohan.
Sa datos ng Comelec aabot na sa mahigit tatlumpu’t-dalawang libong Overseas Voters na ang nakaboto pinakamarami ay sa Middle East na sinundan ng Asia-Pacific Region.