Social Security System – Daet, pansamantalang sinuspinde ang pagbibigay ng SSS number

608
Photo courtesy of Edwin Datan

Daet, Camarines Norte – Naglabas ngayon ng abiso ang Social Security System – Daet (SSS) sa publiko, partikular ang mga magtutungo sa kanilang tanggapan para kumuha ng SSS number na pansamantalang ititigil nila ang pag-iisyu nito.

Ayon sa tagapagsalita ng SSS – Daet Branch na si Gng. Letty Del Barrio, may isinasagawang pag-aayos ang kanilang information technology experts sa kanilang system.

Ipinaliwanag ni Del Barrio na hindi lang aniya ito dito sa Daet Branch kundi sa lahat ng sangay ng SSS sa buong bansa dahil ang pagsasaayos ay nasa lebel ng kanilang central office.

Ang pansamantalang hindi pag-iisyu ng SSS number ay nagsimula pa noong Abril 18 at hindi pa aniya nila masabi sa ngayon kung kailan ulit magre-resume.

Gayunpaman tanging ang over the counter na pag-iisyu ng SSS number lamang ang hindi nila magawa sa ngayon pero maaari naman daw gawin ito gamit ang internet o on-line.

Sa pagkuha ng SSS number via on-line kinakailangang may cellphone number at e-mail ang isang aplikante.

Maaari na raw itong gamitin at saka na lamang isumite ang birth certificate sa opisina sakaling magbalik na sa normal ang pag-iisyu ng SSS number.

Matatandaang nitong nakaraang taon inulan ng batikos ang SSS matapos nitong i-implement ang pagkuha ng SSS number on-line na mas matagal ang proseso kumpara sa over the counter.

Dahil dito ginawa na lamang opsiyon ang pagkuha ng SSS number on-line at maaari pa ring gawin ito ng manual. (Eagle News/Edwin Datan, Jr.)