(Eagle News) — Tumutulong na ngayon ang iba’t ibang bansa upang mapabilis pa ang imbestigasyong ginagawa ng judicial department ng Pilipinas sa nag-leak na voters’ data at information mula sa hub ng Commission on Election (Comelec) matapos itong mapasok ng mga hacker.
Partikular na tinukoy ni Justice Acting Secretary Emmanuel Caparas ang America na isa aniya sa mga kumikilos upang tukuyin ang lahat ng mga sangkot sa hacking ng Comelec website noong March 31.
Paliwanag ni Caparas, hindi aniya nagsasama-sama sa iisang lugar ang mga hacker kaya naman isa itong dahilan kung bakit humingi sila ng tulong sa iba’t ibang ahensya ng ibang bansa.
Dagdag pa nito, nais ng Department of Justice na magkaroon ng resulta ang kanilang ginagawang imbestigasyon bago ang halalan sa Mayo at tiniyak nito na ligtas pa rin ang mahahalagang impormasyong pag-aari ng publiko ayon na rin umano sa pahayag sa kanila ng Comelec.
Sa kabila nito, aminado naman ang DOJ na may limitasyon din ang kanilang kakayahan sa pagtukoy sa mga sangkot sa nasabing insidente dahil sa kakapusan ng makabagong teknolohiya sa bansa bagaman gusto pa rin nilang malaman sa kanilang imbestigasyon kung papaano isinagawa ng mga suspek ang hacking at mula aniya roon ay makagagawa sila ng safety parameter.
Samantala, matapos mahuli ng National Bureau of Information (NBI) si Paul Biteng na siyang responsable sa hacking sa website ng Comelec noong Marso, mariin naman nitong itinanggi na siya ang nagleak ng voters’ data and information ng publiko.