MANILA, Philippines (Eagle News) — Itinanggi ng Malacañang na pantapat sa Tindig Pilipinas ng Liberal Party ang Tapang at Malasakit Alliance Philippines.
Sinabi ni Presidential Spokesman Ernesto Abella, walang balak ang kampo ni Mayor Sara “Inday” Duterte na lalong hatiin ang bansa sa pagtatatag ng Tapang at Malasakit Alliance Philippines.
Ayon kay Abella, ang pangunahing layunin ng Tapang at Malasakit Alliance Philippines ay para pag-isahin ang grupong sumusuporta sa isinusulong na pagbabago ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Inihayag ni Abella sa loob ng mahigit isang taon ng Duterte Administration ay patuloy ang ingay pulitika na nakaka-apekto sa pagpapatupad ng mga programa na magdadala ng pagbabago sa bansa.
Niliwanag ni Abella na ang Tapang at Malasakit Alliance Philippines ay naglalayon din na abutin ang iba pang grupo na mayroong kaparehong pananaw ng pagbabago na isinusulong ni Pangulong Duterte.
Magugunitang ang Tindig Pilipinas ng Liberal Party ay itinatag upang kontrahin ang mga patakaran ng administrasyon lalo na sa kampanya sa kriminalidad, ilegal na droga at korapsyon.