Ni Earlo Bringas
Eagle News Service
QUEZON CITY, Metro Manila (Eagle News) – Binulabog ng magkakasunod na mga putok ng baril ang kahabaan ng EDSA Quezon City madaling araw nitong Martes, Pebrero 13.
Animo’y eksena sa pelikula ang pangyayari sa kalsada dahil pinagbabaril ng tatlong nakasakay sa motorsiklo ang isang sport utility vehicle na bumabaybay lamang sa kahabaan ng EDSA.
Sa inisyal na imbestigasyon, galing umano sa Greenhills ang SUV. Nang paakyat na ito sa Quezon Avenue flyover ay may kasalubong itong mga nakasakay sa motorsiklo na bigla na lamang umanong namaril.
Base sa salaysay ng driver ng SUV na kinilalang si Arjel Cabatbat, isang abogado, pagdating sa bahagi ng East Avenue kung saan ay papaliko na siya, bigla na lamang umanong sumulpot ang dalawang motorsiklo na may sakay na tatlong kalalakihan sa nasabing lugar.
Ayon sa driver, sa halip na lumiko siya sa East Avenue, ay dumiretso na lamang siya patungong North Avenue area para makatakas sa mga suspek.
Habang binabaybay ng SUV ang kalsada, dito naman nagpatuloy ang pagpapakawala ng mga putok ng baril ng mga naka motorsiklo. Nang magkaroon ng pagkakataon ang SUV driver dito na niya pinagsasagasaan ang mga nakamotorsiklo.
Pero nang makarating na sa North Avenue area ang SUV, dito na ito tumagilid at halos mawasak ang SUV sa lakas ng impact. Nakaligtas ang SUV driver at nasugatan lamang ito.
Nagresulta naman ang insidente sa pagkamatay ng isa sa mga suspek na naabutan pa ng Eagle News team na ginagamot sa lugar. Naisugod pa ito sa ospital subalit idineklara ring dead on arrival.
Kinilala ang napatay na suspek na si PO1 Mark Ayeras, matapos marecover ng identification card ng pulisya mula sa suspek.
Pero ayon kay Quezon City Police District Director Guillermo Eleazar na napasugod sa lugar, kukumpirmahin pa nila ang kaniyang pagkakakilanlan.
Hindi pa alam ang pagkakakilanlan ng isa pa sa nasugatan na nagpapagaling sa ospital habang ang isa naman ay pinaghahanap pa ng mga otoridad matapos na makatakas. Tumanggi namang magbigay ng karagdagang detalye ang SUV driver kung bakit siya tinambangan ng mga nakasakay sa motorsiklo.
“Inambush lang ako, tapos minalas sila,” pahayag ni Cabatbat.
Ayon kay Eleazar posible daw na dahil sa trabaho ni Cabatbat kaya ito tinambangan dahil may mga banta na daw ito sa kaniyang buhay dahil na rin sa mga kaso na hinawakan daw nito.
Nagkalat pa sa crime scene ang mga basyo ng bala indikasyon na nagkaroon pa ng putukan bago magtapos ang insidente sa North Avenue at tumagilid na SUV.
“Considering na ang kaniyang allegation ay biktima siya ng pang-aambush. So, dapat na makipagtulungan siya para ma-establish na self-defense yong ginawa niya. But all of this, lahat ng makukuha nating ebidensiya… sa statement niya… ito yong pagbabasehan natin para sa ihahanda nating documentation sakaling magsasampa tayo ng kaso”, dagdag pa ni Eleazar.
Ayon sa QCPD patuloy nilang isasagawa ang imbestigasyon kung ano nga ba ang motibo sa nangyaring pamamaril sa EDSA Quezon City.