Abu Sayyaf suspek na konektado sa Sipadan hostage taking, arestado sa Zamboanga City

Sipadan Island in Malaysia (Courtesy wikipedia)
Sipadan Island in Malaysia (Courtesy Wikipedia)

 

ZAMBOANGA City (Eagle News) — Arestado ang isang hinihinalang miyembro ng Abu Sayyaf Group na konektado diumano sa  Sipadan hostage-taking noong taong 2000, sa Barangay Cawit sa Zamboanga City, nitong Biernes ng madaling araw (Enero 27, 2017).

Mahigit na 16 na taon nga pagkatapos ng controversial na kidnapping incident na naging malaking balita noon sa buong mundo, ay naaresto na ang hinihinalang Abu Sayyaf suspect na kinilala bilang si Faizal Jaafar alias Jaafar Mundi. Kilala rin siya bilang Abu Jaafar, Aren,Ben, at Abu Raba. Siya ay kasama diumano sa mga dumukot sa mga turista noong Abril 2000 sa Sipadan Island sa Malaysia, na karamihan ay mga Europeo.

Ang nangyaring pag-aresto ay sa bisa ng pinagsanib na puwersa ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) – National Capital Region na pinangunahan ni Police Senior Inspector Nino Briones, National Intelligence Service Group (NISG) 4th company Regimen Batallion 9(RPSB9) na pinangunahan naman ni Police Chief Insp. Jerry Alvarez, at intelligence operatives ng Zamboanga City police office.

Batay sa inihaing warrant of arrest, sangkot ang suspek sa 87 counts ng kasong kidnapping at serious illegal detention kaugnay ng 2000 Sipadan kidnapping incident. Nahaharap din siya sa mga kasong murder at illegal possesion of firearms.

Kasalukuyang naka-detain ang suspek sa CIDG region 9.

Pinarangalan naman ni Police Chief Superintendent Regional Director ng Police Regional Police Office 9 Billy Beltran ang mga operatibang pulis at militar sa matagumpay na pagkakadakip sa suspek.

Hinimok din ni Beltran ang publiko na makipagtulungan sa kanila sa pamamagitan ng pagbibigay ng mga mapagtitiwalaang impormasyon tungkol sa mga wanted personality o terorista na maaaring nagtatago sa kanilang lugar.

Ang Sipadan hostage crisis ay isa sa mga tumatak na balita noong taong 2000 kung saan 10 turista at 11 resort workers and kinidnap ng bandidong grupo ng Abu Sayyaf mula sa Sipadan dive resort island ng Malaysia at dinala sa Abu Sayyaf base sa Jolo, Sulu.

Kasama sa mga kinidnap noong Abril 23, 2000 ay isang Malaysian police officer, tatlong German, dalawang French national, dalawang South African, dalawang Finn at isang Lebanese citizen. Ang siyam na Malaysian at dalawang Pilipino resort workers ng Sipadan dive resort ay kasama rin sa mga dinukot ng Abu Sayyaf noon.

(report ni Jun Cronico, Zamboanga City Eagle News Service correspondent)