(Eagle News) — Nagkaroon ng under-distribution ng measles vaccine sa bansa mula noong 2014 hanggang 2017.
Sinabi ni Public Attorney’s Office (PAO) chief Persida Acosta, mali ang paratang sa kanya ni Senadora Risa Hontiveros na siya ang dahilan kung bakit nagkaroon ng measles outbreak sa bansa.
Ayon kay Acosta, batay sa inilabas na report ng Commission on Audit (COA), noong 2014 hanggang 2017 ay nagkaroon ng under-distribution ng measles vaccine, gayundin ng bakuna sa diphtheria, polio at iba pa.
Aniya, 30 porsiyento ng mga bata ang hindi nakatanggap ng naturang mga bakuna batay na rin sa COA report at posible umanong ang sanhi ng under-distribution ay ang kakulangan ng suplay.
Ayon pa sa PAO Chief, kasalanan ng mga namumuno sa Department of Health ang under distribution ng iba pang uri ng bakuna na subok na ang bisa.
Giit ni Acosta, kung ang P3.5 billion budget na ginamit sa pagbili ng anti-dengue dengvaxia vaccines ay ginamit na lamang sa pagbili ng “proven vaccines,” gaya ng measles vaccines, posibleng naiwasan sana ang aniya’y under distribution.