(Eagle News) — Isang advocacy fun run ang inilunsad ng TV actress na si Ara Mina na may layong makatulong sa mga may down syndrome.
Ang nasabing fun run ay isinagawa sa Philippine Arena nitong Linggo, Mayo 27 na nilahukan din ng mga batang may down syndrome.
Ang isinagawang aktibidad ay may kinalaman din sa nalalapit na pagdiriwang nang kaarawan ng kapatid ni Ms. Ara Mina na si Batching na may down syndrome.
Ayon kay Ara Mina, matagal na niyang adbokasiya ang pagtulong sa mga may down syndrome.
At sa pagkakataong ito ay muli niyang napiling tulungan ang Down Syndrome Association of the Philippines na isang organisasyon na kumakalinga at nag-aalaga, gayundin ang tumutulong para maalagaan ang mga bata na may down syndrome.
Samantala, kabilang sa mga lumahok sa advocacy activity ay ang mga miyembro ng Iglesia Ni Cristo, gayundin ang iba’t ibang mga personalidad sa TV, Sports at marami pang iba.
Ang ginawang fun run ay kinatampukan ng tatlong kategorya, ang 3k run, 5k run at ang pinakamahaba ay ang 10k run.
Matapos ang fun run nagkaroon naman ng isang mini concert na pinangunahan naman ng mga kilalang singer sa bansa.
Naging masaya naman ang mga batang may down syndrome na dumalo sa nasabing activity. (with a report from Earlo Bringas)