Ni Meanne Corvera
Eagle News Service
Nagbigay na ng deadline ang National Housing Authority hanggang June 15 ngayong taon sa mga tauhan ng Philippine National Police at Armed Forces of the Philippines para okupahin ang mga nakatiwang-wang na housing units.
Ayon kay NHA general manager Marcelino Escalada Jr., kung hindi pa rin maookupahan ang pabahay hanggang sa araw na iyon, posibleng ibigay na lamang ito sa mga kwalipikadong benepisyaryo.
Kabilang na rito ang mga public school teachers, barangay officials at mga informal settlers.
Sa ngayon umaabot pa sa 55000 housing units ang natapos na pero hindi pa inookupahan ng mga benepisiyaryo.
“We have given enough time to the AFP and PNP boards to come up with a master list of whether or not [those] awarded and allocated are
still interested to occupy and sign a loan document,” sabi ni Escalada.
“We might as well give these to the members of the qualified beneficiaries as a result of this hearing and finally come up with a much better and improved design for the AFP and PNP personnel..,” dagdag pa niya.
Umangal ang PNP at AFP dahil hindi raw sila nakonsulta sa mga housing sites at units na ipinatayo ng NHA para sa kanilang mga personnel.
Sa pagdinig ng Senado, sinabi ni Lt. Colonel Leonido Yanson ng AFP Housing Board, marami sa mga benepisyaryo ang tumatangging tumira sa pabahay dahil masyadong maliit ito para sa kanilang pamilya, lalo na ang mga personnel na may dalawa hanggang tatlong anak.
Kailangan din daw i-renovate ang mga naipagawang pabahay at halos mas malaki pa ang magagastos sa renovation sa halaga ng pabahay.
“Of course, our personnel want to improve first the awarded houses prior to their occupancy,” ayon kay Yanson.
Sa paliwanag ng NHA, umaabot sa 22 square meters ang isang bahay.
Pero ayon kay Senador JV Ejercito, hindi ito akma sa international standards na seven square meters kada tao.