AFP sa PNP:  Imbestigahan ang pagkakapatay sa sundalong galing sa Marawi City

(Eagle News) — Nanawagan ang Armed Forces of the Philippines sa Philippine National Police na paimbestigahang mabuti ang nangyaring insidente sa Zamboanga City kung saan isang sundalo na galing sa Marawi City ang napatay ng mga pulis.

Ayon kay AFP Spokesperson BGen.Restituto Padilla, nais nilang mabigyang linaw ang insidente dahil nagdulot umano ito ng galit sa mga sundalo na kasamahan ng biktima.

Base umano sa initial report na nakarating sa AFP, nag-aabang ng masasakyan ang sundalo sa Zamboanga City nang biglang puntahan ng mga pulis at pagbabarilin.

Sa bersyon naman ng PNP, may natanggap silang text message mula sa concerned citizen ukol sa lalaking tila may bitbit na baril at nang kanila itong puntahan ay bigla umano silang pinaputukan ng lalaki dahilan para gumanti sila ng putok.