AFP, suportado ang pagpapatigil ng Pangulo sa usapang pangkapayapaan sa CPP-NPA-NDF

(Photo by Eagle News Service Mar Gabriel)

Ni Mar Gabriel
Eagle News Service

MANILA, Philippines (Eagle News) — Buong-buo raw ang suporta ng Armed Forces of the Philippines sa ginawang paglagda ng Pangulo sa Proclamation 360 na tuluyan nang nagpapahinto sa peace talks sa  pagitan ng gobyerno at ng Communist Party of the Philippines-New People’s Army-National Democratic Front (CPP-NPA-NDF).

Ayon sa AFP, bagaman nais nila ng pangmatagalang kapayapaan, ang mga rebelde daw mismo ang tila ayaw dito.

Sa kabila raw kasi ng sinseridad na ipinapakita ng gobyerno, nagpatuloy ang mga pag-atake ng mga rebeldeng grupo sa mga pulis at sundalo gayundin ang pangha-harass at pang-aabuso sa mga sibilyan.

Sa datos ng AFP sa unang semestre pa lang ng taon, tumaas ng 35.29 percent ang bilang ng violent activities na isinagawa ng mga rebelde sa eastern Mindanao habang higit 300 percent naman ang itinaas sa western Mindanao.

Mula kasi noong Enero hanggang nitong Nobyembre, umabot na sa 353 na violent activities ang isinagawa ng mga rebelde sa eastern Mindanao habang 16 na insidente naman ang naitala sa Western Mindanao.

Nangunguna rito ang harassment na sinundan ng arson o panununog habang ikatlo naman ang kidnapping.

Lumobo naman sa 217.8 million pesos ang kabuuang halaga ng mga sinunog na ari-arian ng mga rebelde mula sa mga mining company at business establishment.

Dahil sa pagtatapos ng peace talks, aarestuhin na raw ulit ng militar ang mga rebelde na binigyan ng pansamantalang kalayaan gaya na lang ng mag asawang Wilma at Benito Tiazon.

Samantala, nilinaw naman ng AFP na sa kabila ng pagpapatigil sa peace talks, itutuloy pa rin daw nila ang usapang pangkapayapaan sa mga lokal na level katuwang ang bawat lokal na pamahalaan.