PUERTO PRINCESA CITY, Palawan (Eagle News) – Nagtipon ang mga opisyal ng Integrated Bar of the Philippines mula sa iba’t ibang panig ng bansa sa ginanap na 23rd House of Delegates Convention sa Puerto Princesa City.
Nakasentro ang naturang aktibidad sa pagbuo ng mga plano at paraan upang patuloy na mapangalagaan ang West Philippine Sea, kung saan pinanghahawakan ng bansa ang ginawang desisyon ng International tribunal for the Law of the Sea (ITLOS) na pumapabor sa apela ng Pilipinas ngunit patuloy umanong binabalewala ng bansang China.
Ayon kay IBP President Abdiel Dan Elijah Fajardo, patuloy silang nakikipaglaban para sa karapatan ng Pilipinas sa West Philippine Sea laban sa bansang China.
Dumalo din sa naturang convention si National Defense Secretary Delfin Lorenzana kung saan sinabi nito na nagpapatuloy ang pakikipagdayalogo ng Pilipinas sa bansang China sa pamamagitan ng isang mapayapang pamamaraan.
Sa naging talakayan ay ipinaliwanag ni SC Justice Antonio Carpio ang mga legal na basehan umano kung bakit nararapat na ipaglaban ng mga Pilipino ang karapatan sa pagmamay-ari ng West Philippine Sea.
(Anne Ramos, Eagle News Service)