(Eagle News) — Mismong sina Agriculture Secretary Emmanuel “Manny” Piñol at mga lokal na opisyal ng Pampanga ang kumain ng mga balut at iba pang poultry dishes ng San Luis, Pampanga.
Ito’y upang ipakita na ligtas kainin ang mga itlog at iba pang poultry products mula sa nasabing bayan at sa buong lalawigan.
Subalit sa harap nito, hindi pa rin mailalabas ang mga poultry product mula sa idineklarang one-kilometer radius control area kung saan naka-concentrate ang bird flu.
Epekto ng bird flu
Sinamantala ng mga poultry farmer sa pakikipagdayalogo kay Piñol ang pagkakataon na ilahad ang kanilang saloobin sa epekto ng bird flu sa kanilang manukan at itikan.
Isa na rito ang mabagal na culling operations sa mga manok.
Kaya handa raw ang kalihim na gumawa ng mabilis na paraan para madispose ang mga manok at itik sa pamamagitan ng incinerator.
Karamihan sa mga poultry farm ang nasa tubigan at mahirap umanong maglibing ng mga kinatay na manok.
Culling operations, target matapos hanggang Huwebes
Sa tala ng Department of Agriculture, mahigit limangpung libong manok ang kanila nang nakatay mula noong Sabado hanggang ngayong araw.
Sinisikap umano ng DA na madaliin na ang pagkatay sa mga manok at itik.
Target na matapos hanggang Huwebes ang culling operations.
Mag-iitik, umaaray na
Umaaray na rin ang mga mag-iitik sa epekto ng bird flu sa kanilang lugar.
Isa na rito si Cesar Lagman na kasisimula pa lamang ng kanyang itikan. Mahigit anim na libo sa kanyang mga alaga ang ipapakatay sa mga susunod na araw.
Mga poultry farmer, bibigyan ng tulong pinansyal
Nakahanda naman umano ang DA na magbigay ng twenty five thousand pesos sa mga apektadong magsasaka bilang tulong pinansyal.
Bukod pa rito ang pagbibigay ng ochenta pesos (Php 80.00) sa bawat ulong makakatay sa mga poultry farm bilang bayad.
Gayunman para sa mga poultry farmer maliit pa raw ang ganitong halaga sa malaking puhunang ibinuhos sa kanilang negosyo.
Subalit wala umano silang ibang magagawa kundi tanggapin ito.
(Eagle News Service Jerold Tagbo)