By Eden Suarez Santos
(EAGLE NEWS) — Pormal nang naupo sa kani-kanilang puwesto sina Agriculture Secretary Emmanuel “Manny” Piñol at Environment Secretary Gina Lopez.
Ito ay matapos ang isinagawang turn-over ceremony sa kani-kanilang tanggapan kasama sina outgoing Secretary Proceso Alcala at Ramon Paje.
Ipinaabot ng dalawang kalihim sa kani-kanilang mga nasasakupan ang naging marching order sa kanila ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kauna-unahang cabinet meeting noong Huebes pagkatapos ang oathtaking ceremony sa Malacanang.
Pangunahin anila sa ipinag-utos ni Pangulong Duterte ay ang pagtanggal ng red tape at pagsugpo ng kurapsiyon sa kani-kanilang kagawaran.
Rice self-sufficiency hangad ni Piñol
Tiniyak naman ni Piñol na sa ilalim ng bagong administrasyon ay issakatuparan ang hinahangad na rice self-sufficiency ng bansa na bigong matamo sa nakalipas na Aquino administration.
Makikipagpulong umano si Piñol sa tatlong top-producing rice stakeholders sa bansa para alamin kung papaano sila nakakapag-ani ng 12 hanggang 15 metriko toneladang palay kada ektarya sa tuwing tag-ani.
Lopez sinimulan ang audit ng mining firms
Sa panig naman ni Lopez, agad nitong pinulong ang mga regional director ng Department of Environment and Natural Resources upang ipaabot ang pagsasagawa ng auditing sa lahat ng mining companies na nag-ooperate sa bansa partikular na ang mga hindi tumugon sa April 30 deadline batay na rin sa kautusan ni Pangulong Duterte.
Simula Hulyo 1 ang gagawing auditing at matatapos ito sa unang araw ng Agosto.
Kinumpirma ng DENR na halos nasa 70 percent ang mga hindi nakatugon sa ISO14001 o ang Responsible Mining.
Aminado si Lopez na hindi siya kontra sa pagmimina subalit kung ito ay hindi magdudulot ng mabuti sa kapakanan, kalusugan at kabuhayan ng mga mamamayan ay non-negotiable ang kaniyang magiging paninindigan.
Tiniyak naman ni Piñol na wala itong planong magkalkal ng mga dokumento para gamitin sa pagsasampa ng kaso laban sa mga dating opisyal ng kagawaran na posibleng sangkot sa kurapsyon.
Ani Piñol, hindi niya sasayangin ang kaniyang oras sa paghahabol sa mga corrupt na opisyal ng Department of Agriculture sa ilalim ng Aquino administration.
Magpapatupad daw ng revamp sina Piñol at Lopez sa hanay ng DA at DENR.
Kailangan raw nila itong gawin hindi dahil ayaw nila sa mga kasalukuyang nakaupo sa puwesto kundi bilang bahagi ito ng pangako ng administrasyong Duterte na “change is coming.”