(Eagle News) — Plano ng Environmental Management Bureau (EMB) sa ilalim ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) na maglagay ng air quality monitoring station sa Boracay Island sa susunod na taon.
Ayon sa EMB, ito ay upang mapaigting ang ginagawang hakbang ng gobyerno para malinis at matigil na ang pagkasira ng kalikasan sa kilalang tourist destination sa bansa.
Maayos pa naman anila ang kalidad ng hangin sa Boracay Island dahil kakaunti pa lamang ang source ng air pollution.
Dagdag pa ng EMB, ang planong air quality monitoring station sa Boracay ay makatutulong para ma-detect ang mga pagbabago sa kalidad ng hangin sa lugar at matugunan ito sa lalong madaling panahon.
Kabilang anila sa limited sources ng air pollution ay ang mga stand by generator ng mga establisyimento sa isla na madalang gamitin.
Una rito, sinabi ng DENR na mula sa 834 na estabalisyimento sa Boracay, 716 ang walang discharge permit at iligal na nagpapakawala ng kanilang wastewater sa dagat.
Binigyan naman ng dalawang buwan ang mga establisyimento sa Boracay na kumonekta sa sewage treatment ng Boracay Island Water Company o kaya ay magpatayo ng kanilang sariling wastewater treatment facilities.
(Eagle News Service Aily Millo)