Ang probinsya ng Aklan ay kilala bilang Piña Fiber Capital of the Philippines. Sa katunayan ang Aklan ang siyang pinakamalaking producer at sentro ng industriya ng piña fiber and cloth ng bansa.
Isa ang Culdora Piña Cloth sa pangunahing supplier at producer ng piña cloth sa probinsya ng Aklan. Ang Culdora Pinya Cloth ay matatagpuan sa Brgy. Old Buswang, Bayan ng Kalibo. Ito ay pagmamay-ari ng mag-asawang Randy at Marianne Culdora.
Ayon kay Randy, nagsimula siyang magnegosyo ng pinya cloth noong siya ay binata pa lamang, dahil ito rin ang pangunahing ikinabubuhay ng kanyang mga magulang noon. Nagsimula ang kanyang negosyo sa maliit na puhunan lamang at ng lumago ito ay saka inirehistro noong Oktubre 2002.
Ang mga produkto na matatagpuan sa Culdora Piña Cloth ay gaya ng mga sumusunod;
- Barong
- Gown
- Shawl or Scarf
- Piña Fan
- Mga pinya cloth, gaya ng piña seda, piña cocoon, piña jusi, purong piña cloth, at cotton piña silk.
May katagalan rin ang proseso ng paggawa ng kanilang Pinya Cloth, una ay kukunin ang piña fiber mula sa dahon ng native na pinya o sa Red Spanish na pinya sa pamamagitan ng pagkuskus dito. Kapag nakuha na ang fiber ay lalabhan muna ito para pumuti at ibibilad sa araw. Kapag natuyo na ito ay susuklayin muna at ang bawat himaymay nito ay pagdudugtong dugtungin saka mano-manong hahabiin.
Ang pahahabi ng pinya cloth ay umaabot ng halos dalawang araw. Kapagag nahabi na ang pinya cloth ay didisenyohan na ito sa pamamagitan ng pagbuburda na isinasagawa ng mano-mano o ng kagamitang machine. Ang ilan sa mga gawa nilang pinya cloth ay kanilang kinukulayan gamit ang synthetic dye at natural dye gaya ng katas ng dahon ng mayana, dahon ng talisay, kogon at aswete. Pagkatapos ay pwede na itong tahiin upang maging barong gown, shawl o kaya ay gawing pamaypay.
Ang Culdora Piña Cloth ay kilala sa paggawa ng mainam na pinya cloth na kanilang sinu-supply sa probinsya ng Aklan, karatig na probinsya nito gaya ng Capiz, Antique at Ilo-ilo, maging sa Metro Manila at Cebu.