Mar Gabriel
Eagle News Service
Nakahanda na ang Philippine National Police para sa nalalapit na Barangay at Sangguniang Kabataan elections na isasagawa sa Mayo 14.
Sa isinagawang joint conference ng National Capital Region Police Office (NCRPO) at Commission on Elections (Comelec) na idinaos sa Quezon City, isa-isang nilatag ang preparasyon ng limang police district sa Metro Manila.
Ayon kay NCRPO Chief PolDir.Oscar Albayalde, aabot sa mahigit 15 libong pulis ang ipakakalat nila sa 730 polling centers sa National Capital Region (NCR).
Pero partikular daw na tututukan ang 53 ang identified critical areas sa NCR na ang karamihan ay nasa Caloocan, Navotas at Taguig City.
Hinamon naman ng opisyal ang mga tatakbong barangay officials na magpa-drug test.
Ito’y para patunayan daw sa kanilang mga constituent na hindi sila sangkot sa paggamit ng illegal na droga.
Sa harap na rin ito ng impormasyon na hindi bababa sa 100 baranggay officials ang nasa watch list ng NCRPO.
“Hindi natin ma puwersa na mag undergo mga kakandidato. Ang sabi ko lang naman kung wala tayo tinatago bakit di natin ipakita sa publiko na tayo ay nagpa drug test. Kung di tayo involved sa paggamit ng droga,” ayon kay Albayalde.
Samantala, simula sa Sabado, Abril 14, ipatutupad na ng Philippine National Police ang election gun ban na magtatagal hangang Mayo 21.
Kaya naman asahan na raw ang pagpapaigting sa checkpoint operation sa iba’t ibang lugar.
Nanawagan naman si Albayalde sa publiko na agad na ipagbigay alam sa kanila ang anumang banta sa seguridad sa nalalapit na eleksyon.