Mar Gabriel
Eagle News Service
Walang natanggap na report si Philippine National Police Chief Oscar Albayalde mula kay dismissed Col.Eduardo Acierto ukol sa umano’y kaugnayan ni presidential economic adviser Michael Yang at ng isang Allan Lim sa operasyon ng iligal na droga sa bansa.
Yan ang nilinaw ni Albayalde sa harap ng alegasyon ni Acierto, na nagtatago matapos siyang makasuhan kaugnay ng drogang ipinuslit sa bansa noong nakaraang taon, na binalewala ng PNP at ni Pangulong Rodrigo Duterte ang report dahil malapit umano sa kanya si Yang.
“Since I assumed Office as Chief PNP on April 2018, I do not remember having received any copy of an alleged report that identified presidential adviser Michael Yang as being involved in drug activities,” ani Albayalde.
Kung may isinumite raw na report sa kanya si Acierto o kay dating PNP Chief Ronald dela Rosa, tiyak daw na dadaan ito sa validation ng Directorate for Intelligence.
Ayon kay Albayalde, mismong ang hepe noon ni Acierto, na dating deputy director for administration ng PNP Drug Enforcement Group, na si Albert Ferro ay walang alam sa sinasabing intelligence report.
Kinwestyon din ni Albayalde si Acierto kung bakit hindi siya nagsagawa ng operasyon kung may mga hawak siyang matibay na ebidensya laban kay Yang.
“If at all there was actionable intelligence on this report, Acierto should have acted on it and launched operations even without clearance,” pahayag ni Albayalde.
Wala rin daw sa kanilang drug watchlist ang pangalan ni Yang at Lim.
“My advice for him is to ‘man up’ and face the charges squarely rather than shoot from the hip with indiscriminate accusations,” pahayag ni Albayalde.