Alkalde ng Mabini, ipinagbawal ang diving activities matapos ang “earthquake swarm” sa Batangas

Bahagi ng pader ng Mabini hospital pagkatapos ng “earthquake swarm.”/ Eagle News Service/ Meanne Corvera/

Ni Meanne Corvera

Eagle News Service

Pansamantala munang ipinatigil ang diving at snorkelling acitivities sa mga coastal barangay sa bayan ng Mabini.

Ayon kay Mabini Mayor Noli Luistro, ito’y dahil sa mga pinangangambahang paggalaw ng lupa at dahil sa mga nararanasang mahihinang lindol sa ilalim ng dagat.

Wala pang ibinibigay na inpormasyon ang alkalde kung kailan magreresume ang diving at iba pang sports activity.

Bukod sa ilamg resorts, sarado rin ang operasyon ng ilang ospital dito.

Ayon kay Delia Nono, administrator ng Mabini General Hospital, posibleng tumagal pa ng halos isang linggo bago maibalik sa normal ang kanilang operasyon.

Samantala, nagtungo dito sa bayan sina Philippine Institute of Volcanology and Seismology director Renato Solidum at Undersecretary Ricardo Jalad ng Office of Civil Defense, National Disaster Risk Reduction and Management Council.

Ito’y para pakalmahin ang mga residente sa pinangangambahang tsunami.

Ayon kay Solidum, naglagay na sila ng mga instrumento para malaman kung anong faultline ang gumalaw.

Wala pa raw pangalan ang faultline na ito na natukoy sa pagitan ng bayan ng Tingloy at Mabini.

Posible pang gumalaw ang fault sa mga susunod na araw pero hindi raw ito magdudulot ng tsunami

Moderate o mahihinang lindol lang daw ito at hindi umaabot sa threshold para magtrigger ng tsunami kaya maaari nang bumalik sa kani-kanilang bahay ang mga residente lalo na ang mga nasa coastal barangay.

Sa ngayon pinapayuhan ni solidum ang mga residente at local government officials na rebyuhin ang disaster preparedness.

Kailangan rin aniyang nakakasunod sa building standards ang anumang mga gusali.

Samantala namigay na ng relief goods ang Department of Social Welfare and Development sa mga pamilyang apektado ng lindol.

Related Post

This website uses cookies.