(Eagle News) — Hindi dapat ipagwalang bahala ang allergy dahil ito ay nakamamatay, ito ang babala ng mga experto mula sa Department of Health at Philippine Society of Allergy, Asthma and Immunology.
Kaugnay ng pagdiriwang ng National Allergy Day, nagsagawa ng isang public forum, kung saan tinalakay ang mahahalagang impormasyon tungkol sa allergy, ano ang pinagmumulan ng allergy, anu-ano ang mga uri ng allergy, ano ang mga sintomas at anu-ano ang mga angkop at tamang paraan ng pag gagamot sa naturang sakit.
Sinabi naman ni Health Assistant Secretary at Spokesperson Dr. Eric Tayag na dapat na sundin ng publiko ang mga narinig nilang kaalaman at impormasyon tungkol sa allergy upang hindi manganib ang kanilang buhay dahil sa nabanggit na sakit.
Sa mga nagsasabing hindi raw sila kumukunsulta sa doktor kahit na may allergy sila dahil mahal, sinabi ni Dra. Carmela Agustin-Kasala, Presidente ng PSAAI Inc., na may tatlong charity training institutions ang PSAAI para sa mga hindi maka afford ng private services.
Kabilang dito ang University of the Philippines-Philippine General Hospital, University of Sto. Tomas Hospital at ang Fe Del Mundo Medical Center na nasa Banawe, Quezon City.