(Eagle News) — Hinahanap na ng mga tauhan ng Philippine National Police ang umano’y anak ng mag-asawang suicide bomber na pinaniniwalang iniwan sa mga sympathizer ng Abu Sayyaf Group sa Mindanao.
Ito’y matapos na makumpirma sa isinagawang DNA testing ng PNP na ang dalawang pares ng paa na natagpuan sa blast site sa Our Lady of Mount Carmel sa Jolo, Sulu ay isang babae at lalaki.
Ayon kay PNP Chief Oscar Albayalde, tugma ito sa pahayag ng ilang witness at mga naarestong suspek na mag-asawang Indonesian ang nasa likod ng suicide bombing sa simbahan.
Hindi naman daw kasi nagmatch ang DNA na nakuha sa mga pares ng paa sa sinuman sa 23 nasawi at mahigit 100 ang nasugatan.
Nagtataka rin ang PNP kung bakit hanggang sa ngayon ay wala pang nagkeclaim sa dalawang pares ng mga paa.
Dahil dito, ipinag-utos na ni Albayalde ang paghanap sa anak ng mag-asawa na magsisilbi raw susi para makumpirma ang pagkakakilan ng mag asawa sa pamamagitan ng DNA matching.
Nakikipagtulungan na rin ang PNP sa Indonesian authorities sa pagiimbestiga sa pagsabog sa Jolo at inaalam na rin kung maaari bang matukoy ang nationality ng mag asawa sa pamamagitan ng kanilang DNA sample.