Pinakakasuhan na ng Justice Department ng kidnapping for ransom with homicide ang anim na tao–kabilang na ang isang mataas na opisyal ng pulisya—sa pagdukot at pagpatay sa negosyanteng Koreano na si Jee Ick Joo nitong nakaraang taon.
Ang mga pinakakasuhan ay sina Supt. Raphael Dumlao III, Jerry Omlang, Gerardo Santiago at Ramon Yalung.
Pinakakasuhan din ng special complex crime ng kidnapping for ransom with homicide sina SP03 Ricky Sta. Isabel at SP04 Roy Villegas.
Si Isabel ay pinakakasuhan din ng carnapping.
Sa resolusyon na aprubado ni Prosecutor Atty. Victor Sepulvida, binigyang timbang ng DOJ ang mga pahayag ni Sta. Isabel na kasama sina Dumlao, Villegas at Omlang sa isinagawang krimen.
Ang Koreano ay inabduct mula sa kanyang bahay sa Angeles, Pampanga, noong ika-18 ng Oktubre ng 2016.
Pagkatapos ay dinala siya sa Camp Crame, at doon ay sinakal siya hanggang sa siya ay mamatay.
Aniya, ang sinabi ni Sta. Isabel na “we are in this together” ay nagpapakita ng “inextricable link” ni Dumlao sa iba pang mga gumawa ng krimen.
“Sta. Isabel’s threats to implicate (them)…only positively showed his utter desperation at the fact that he was being disowned right then and there at Camp Crame by his own superior,” sabi ng DOJ.
“Tahimik ka lang”
Binigyang timbang din ng DOJ ang karagdagang sinumpaang salaysay ni Villegas noong ika-17 ng Enero 2017, kung saan inulit niya ang mga alegasyon laban kay Dumlao at kay Sta. Isabel, na sinabi niyang siyang sumakal sa Koreano.
Ayon kay Villegas, na umamin na kasama siya sa mga kumidnap kay Jee, hindi niya dinawit si Dumlao sa kanyang nakaraang salaysay sapagkat sinamahan siya ng opisyal noong ginagawa niya ang nasabing dokumento.
“Tahimik ka lang, akong bahala,” sabi ni Dumlao, ayon kay Villegas.
Sa resolusyon, isinantabi din ng DOJ ang mga pagtanggi ni Dumlao sa mga alegasyon, na aniya ay “walang evidentiary weight.”
“(They) do not deserve our scant consideration,” sabi ng DOJ.
Ayon sa DOJ, si Santiago na may-ari ng Gream Funeral Services na tumanggap sa katawan ni Jee ay dapat na makasuhan bilang “accessory” matapos ang pag-amin ng ilan na kumidnap sa Koreano na ginawa nga nila ang krimen.
Ayon sa DOJ, base sa mga pahayag ng ilan, si Santiago o “Ding” ang tumanggap ng katawan ng Koreano, at siya rin ang tumanggap ng bayad mula kay Sta. Isabel.
Si Santiago rin, aniya, ang nag-utos sa kanyang mga empleyado na kunin agad agad ang katawan mula sa sasakyan upang ito ay maembalsamo.
Ginagawa lang ng mga empleyado ng Gream ang kanilang trabaho
Inabswelto naman sa mga kasong kriminal ang mga kawani ng Gream Funeral Service na sina Epephany Gotera, Teodelito Taripe, Robert John Tobias, Kevin Enriquez at Bernardo Maraya Jr.
Sabi ng DOJ, ginagawa lamang ng mga ito ang kanilang trabaho nang embalsamuhin nila ang katawan ng negosyante.
Ayon sa DOJ, si Gotera ay sumusunod lamang sa utos ng kaniyang employer na si Santiago nang pangalanan niyang “Jose Ruamar Salvador” ang crinemate na katawan, base sa death certificate.
Wala rin umanong indikasyon na alam ng mga empleyadong ito ng Gream na ang Koreano ay biktima ng kidnapping.
3 dating opisyal ng NBI, 1 pulis, abswelto
Inabswelto rin ang tatlong dating opisyal ng National Bureau of Investigation na sina Ricardo Diaz ng NBI-National Capital Region; Atty. Jose Yap ng Investigative Service; at Atty. Roel Bolivar ng anti-illegal drugs unit sa kasong kidnapping with homicide.
Sabi ng DOJ, hindi napatunayan ni Dumlao ang kanyang mga alegasyon na sina Yap at Bolivar ang nasa likod ng pangingidnap sa Koreano, at sina Diaz naman at Sta. Isabel ay may “kidnap for credit deal.”
Kung gayon, aniya, mayroong “evidentiary weight” ang mga pagtanggi ng tatlo sa mga alegasyon ni Dumlao.
“It must be stressed that there is no public gain in prosecuting persons without probable cause. In the same measure, there is no evidentiary gain for the prosecution to charge factually innocent persons along with the obviously guilty ones,” sabi ng DOJ.
Ibinasura din ng DOJ ang kasong obstruction of justice laban kay Supt. Allan Macapagal ng Philippine National Police Anti-Kidnapping Group at iba pang mga nag-implement ng search warrant sa Gream Funeral Services dahil sa “insufficiency of evidence.”
Si Macapagal ay kinasuhan ng NBI matapos sabihin ng kanyang grupo na ang golf set ni Jee ay nakuha mula sa Gream noong inimplement nila ang search warrant noong ika-18 ng Enero.
Ayon sa NBI, sinabi ng mga staff ng Gream na ang katawan lamang ni Jee ang dinala sa kanila sa punerarya, at tinanggi rin ni Santiago na may tinanggap siyang golf set bilang bayad sa pagaasikaso sa katawan ng pinatay na Koreano.
“In the absence of proof of any irregularity in the execution of the subject search warrant, the presumption of regularity in the performance of official duty stands and works favorably for respondent Macapagal,” sabi ng DOJ. Erwin Temperante, Eagle News Service