Naglunsad ang Sta. Rosa City Philippine National Police (PNP) ng “Anti-kidnapping Awareness” sa lahat ng eskwelahan sa buong lungsod ng Sta. Rosa. Particular sa mga estudyante ng elementarya at high school. Pinangunahan ni PSupt. Reynaldo Maclang, hepe ng Sta. Rosa City, ang nasabing aktibidad.
Layunin ng aktibidad na ito na maiwasan o mapigilan na mangyari sa lungsod ng Sta. Rosa ang mga napabalitang di umano’y pangingidnap sa ilang mga kabataan sa mga karatig lalawigan ng Laguna. Namahagi rin sila ng mga leaflets upang magkaroon sila ng kaalaman sa mga modus operandi ng mga kriminal.
Ipinabasa naman sa harap ng mga estudyante ang 7 tips o pitong mga pamamaraan upang makaiwas sa mga masasamang loob;
Pitong mga pamamaraan upang makaiwas sa mga masasamang loob:
- Huwag sumama sa mga estranghero o mga taong di kilala.
- Huwag pansinin ang di kilalang magbibigay ng chocolate o candy.
- Huwag maglakad nang mag-isa. Hintayin ang susundong magulang, kapamilya o guardian.
- Kung may kahinahinalang sasakyan,isulat ang numero ng plaka, modelo at kulay ng sasakyan at ipagbigay alam agad sa kinauukulan.
- Ugaliing magdala ng silbato o pito. Gamitin ito upang makatawag pansin kung sakaling may mga kriminal o magtatangkang mandukot.
- Ang mga susundo, magulang o guardian ay dapat nasa eskwelahan na isang oras bago ang uwian ng mga estudyante.
- Ang mga guawardiya ng school at mga brgy. Tanod ay dapat maging alerto lalo na sa panahon ng pagdating at pag uwi ng mga estudyante.
Laking pasasalamat naman ng mga guro at principal sa hakbang na ito ng mga kapulisan.