PAGADIAN CITY, Zamboanga del Sur (Eagle News) — Isinailalim na sa State of Calamity ang apat na Barangay sa Bayan ng Tambulig, lalawigan ng Zamboanga del Sur ngayong araw ng Lunes, August 1, dahil sa matinding pinsala ng pagbaha dulot ng pag-apaw ng tubig sa Salug River Daku.
Base sa ulat ni Ginoong Nilo Munoz, Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (Tambulig MDRRMO), ang alkalde aniya ng Tambulig na si Mayor Protacio Aleman ang nagdeklara ng state of calamity sa isiginawang pagpupulong sa Munisipyo kasama ang mga Head of Office na mula sa ibat ibang sangay ng gobyerno.
Dagdag ni Muñoz, ang mga Barangay na isinailalim umano sa state of calamity ay ang mga sumusunod; Barangay Lower Tiparak, Balugo, San Jose at Sumalig kung saan pinakamatinding napinsala ng pagbaha ang mga pananim na palay kabilang na ang mga palaisdaan na aabot sa 352 ektarya. Aniya mula sa 7 milyong piso na naunang naiulat, umakyat na ito sa tinatayang 15 milyong piso ang halaga ng mga napinsala na agrikultura.
Sa naturang pagbaha, pinasok ng tubig-baha ang paaralan ng San Jose Elementary School sa Barangay San Jose habang ilang kalsada naman sa barangay Tiparak ang hindi madaanan dahil sa pagbaha. Winasak din ng mga naglalakihang debris na inanod ng tubig sa ilog ang Bamboo Footbridge na nagdudugtong sa Barangay Balugo at Lower Tiparak na patuloy na isinasaayos para maihatid ang mga pagkain sa mga apektadong residente.
Base sa pinakahuling impormasyon na nakuha ng Eagle News mula sa MDRRMO, bumaba na ang level ng tubig sa nasabing ilog kaya unti-unti na raw bumaba ang tubig sa mga apektadong barangay pero pinag-iingat pa rin ng MDRRMO ang mga residente sa mga nasabing lugar na maging alerto kahit hindi man direktang tatama ang bagyong carina sa Mindanao.
Courtesy: Ferdinand Libor – Zamboanga del Sur Correspondent